Sa kasalukuyan, pinapanood ko ang Harapan sa ABS-CBN na pinapakitang nagsasagutan sina Jun Lozada at si Benjamin Abalos, na sa sa aking personal na obserbasyon ay hindi kampante sa sasabihin niya. Bukod sa walang-hintong pananabat at sa paghinging huwag siyang sabatin, nagdala pa siya ng abogado para sa naturang debate, na hindi naman kasimbigat ng korte o ng senado, pero napapalabas din sa publiko. Kung sa suntukang hayskul, mano-mano sana ang labanan ng dalawang taong naghamunan, pero naduwag ang isa at tumawag pa ng resbak para tulungan siya. Nakakahiya. Hindi ko naman sinasabi na nagsisinungaling si Abalos (at hindi ko sinasabing naniniwala ako sa lahat ng sinasabi ni Lozada), pero sa pinapakita ni Abalos ngayon, parang mangungulelat siya kung haharap silang dalawa kay San Pedro na nakikita ang lahat ng bagay. Walang dalang dokumento si Lozada, pero basa naman nang basa nang kung anu-anong papeles si Abalos. Sa larangan ng pangungumbinsi (at debate), dapat mapamukha mo sa lahat ng nanonood na totoo at pinaniniwalaan mo ang sinasabi mo. Bagaman nagawa ito ng dalawang natatanyag na ginoo, huling-huli naman natin kung sino ang nagpapanggap na alam niya ang nangyayari. Puwedeng mukhang alam mo ang isang bagay, pero kasabay nito, puwedeng mukhang pinepeke mo pa rin. Yun ang mas nakakahiya. Mas nakita ko kay Lozada ang pagpapakatotoo (pagpapakatotoo, at 'di katotohanan). Kahit hindi ko mapapatunayan sa kasalukuyan na totoong-totoo ang sinasabi ni Lozada, malaking bagay na talaga na kitang-kita mo sa mata niya na may pinanggalingan nga ang sinasabi niya, at mukhang naranasan niya talaga ang mga kinuwento niya. Si Abalos, sa tanda niya, hindi pa rin siya natututong magmukhang kapani-paniwala, kaya kahit totoo man ang sinasabi niya, kailangan pa rin niya ng abogado para tulungan siya, na makasasama naman sa pagtingin sa kanya--duwag.
Ngayon naalala ko ang bandang simula ng kuwento-- Si Joey de Venecia. Bilib din ako sa tapang ng taong yun. Pero bakit kaya marami ang nagsasabi na ginagawa lang niya ang mga ginawa niya dahil talunan siya doon sa ZTE? Tsaka bakit pati ang ama niya, kung anu-ano na ang binunyag noong pababa na siya sa puwesto niya bilang Kinatawan ng Kamara? Puwede namang mas maaga 'di ba, lalo pa't may kapangyarihan siya noon? I will praise the president when she does good, and oppose when she's wrong. Ang huling pangungusap ay maganda pakinggan, pero isa sa pinakaginagamit ng mga plastik para magmukhang obhetibo. Ikaw na ang humusga, pero hindi ka ba naaaliw? Parang may pinagmanahan si Joey? Ang galing nilang mag-ama sa timing. Wow.
Ewan ko ba kung bakit ilang beses ko nang naririnig sa radyo ang "Pagod na ang mga tao. Oras na ng pagbabago." Nostalgia ang naramdaman ko noong narinig ko na naman sa radyo mula sa taong mahal daw ang bayan. Naalala ko noong Gr.4 ako, may nagsabi rin niyan sa radyo. At noong Prep, narinig ko rin 'yan. Napanood ko pa nga sa TV noong Gr.5, First Year, Gr. 3, Gr.1. Narinig ko sa maraming tao, pero bakit parang kaunti ang nagbabago, kahit parang marami ang may gusto? Baka sa limang taong may sabi noon, 1 lang ang naniwala sa sariling sinabi, at binugbog pa siya ng apat.
Kaya dalawang bagay 'yan. Timing at pagiging kapani-paniwala. Ibig mo bang yumaman? Maging public servant ka, at aralin mo nang maayos ang timing at pagiging kapani-paniwala. Iwasan mo lang ang pagkakamali ni Abalos, de Venecia, at de Veneciang mas matanda. Pero siyempre mas kailangan ng bayan ang katulad ni Lozada, na hindi ko alam kung hanggang kailan mabubuhay sa lagay niya ngayon (sana walang masamang mangyari), pero magaling din mangumbinsi. Underdog technique naman siya, pero sana ang pagiging underdog niya, totoo, at makatutulong sa iba.
Kapag naging public servant ka, tandaan mo na ang tinuturo ng public ay lahat ng Pilipino, hindi lamang ang mga apo mo. Mamatay ka sana kung pagdating ng panahon, hindi mo magamit sa buhay ang tunay na ibig sabihin ng public, at constituents.
Hamon kay Lozada at Abalos (batay sa isang pakikiuso): Alam niyo 'yung pinagagawa sa showbiz talk shows? Magandang case study siguro kung magpa-lie-detector test kayo nang ganun. Sana wala nang dalahan ng resbak, okay Mr. Chair?