Sa sobrang kagandahan ng ating bansa, at ng mga nilalang dito, nang magkaroon dati ng isang linya sa palabas na Desperate Housewives na “Can I just check those diplomas because I just want to make sure that they are not from some med school in the Philippines,” hiningi na naman ng maraming Pilipino (at siyempre, hindi nawala ang political grandstanding) na humingi ng paumanhin ang produksyon ng palabas na ito. Nakasasakit kasi eh.
Sa totoo lang, ang pinakanakagawa ng ingay na may kinalaman sa pagkakakilala sa mga Pilipino sa mundo ay ang ginawa ni Chip Tsao, isang Tsino, na pagsusulat ukol sa pagiging land of servants ng Pilipinas. Natural, maraming diskusyon muli ang naganap, sa napakarilag na Pilipinas.
Hindi lang iyan, sa Baguio mismo, persona non grata na raw si Candy Pangilinan, isang Pilipina rin, sa kaniyang pagsabi na tao siya at hindi Igorot (at mukhang nagkamali lang naman siya sa pagsasabi ng gusto niya talagang sabihing 'di naman gaano kasakit).
Nakikita ko na mula sa libel ng mga rehiyon hanggang sa pakikitungo sa ibang bansa (basta may kinalaman sa media), parang napaka-kritikal ng mga mamamayan sa ating bansa, lalo na ang mga may boses sa lipunan. Kaunting 'di umano'y pagyurak sa pagkatao ng Pilipino, umaaray na, nag-iingay, at humihingi ng paumanhin.
Pagkatapos mapanood ng mundo ang Slumdog Millionaire, siguradong mas maraming nasabing kababuyan na ikagagalit ng India ang nakararaming mamamayan ng mundo. Marami rin namang mail-order wives na hindi Pilipiino. Marami rin namang doktor na hindi magaling na hindi Pilipino. Sa mga servant o katulong, marami ring Espanyol, Amerikano, o hindi kaya'y mga Aprikano. Totoo rin namang may istatwang Igorot.
Ang pipikon ng mga Pilipino. Iyan marahil ang sunod na maipipintas sa atin, at siguradong susulat na naman tayo para humingi sila ng paumanhin.
Relaks lang kasi. National identity is nourished INSIDE the nation.