Saturday, September 17, 2011

Ika Mo, Wika?


Ano ang gagawin mo kung biglang sinabi sa harapan mo na sa kasalukuyan, mayroon kang katangiang 'di kanais-nais? Malaki ang posibilidad na ikaw ay magtataka, magtatanong, o 'di kaya'y magagalit. Masakit malamang mayroon kang katangiang 'di kanais-nais. (Isipin mo kung sinabi sa harapan mong wala kang nagawang matino sa buong buhay mo.) Sa aking palagay, ang una mong gagawin ay itanggi ang pagkakaroon nito. Kasunod nito, maaaring tirahin mo rin ang pagkatao ng taong nagsabi nito, sapagkat may isinawalat nga naman siyang 'di sana nalaman nang ibang tao. Magtatanong ka rin kung bakit nga naman sinabi pa iyon sa iyo, gayong 'di nga namang kailangan.

Eh paano kung may katotohanan dito? Paano kung karapatan ng taong ito na isiwalat ito? Paano kung, masama man ang paraan nang pagkakagawa, ay kailangan din naman pala talaga itong sabihin, dahil kapag nalaman mo na ito'y may magagawa ka pa upang ayusin ito?

Sa usaping mga naganap sa wika noong nakaraang buwan, nasabihan nga ba lamang tayo nang ayaw nating marinig, nang isang personang ninais na rin nating gantihan?

Nagbunga rin ang pangyayari ng napakaraming sulating bumatikos sa taong ninais nga lang naman ay umpisahan muli ang diskurso ukol sa wikang Pilipino; nakapagpapabagabag sapagkat ginamit ang pagkakataon ng ilan upang iangat lamang ang estadong sosyal at ipagmukhang maalam ang sarili hinggil sa usapin. Maihahambing ito sa isang pulitikong sasakyan ang isang isyu, at sisigaw nang "Karapatan: adbokasiya ko ang karapatang pantao, pambabae, at panghayop."

Sa usaping ito, ang pagganti sa akusasyong "Ang pangit mo," nang "Ang panget mo rin, at ng nanay mo, at wala kang pinag-aralan," ay mukhang maraming sinasabi 'di lamang sa pagkatao nang nagsabi, kundi roon sa nasabihan din. Nababagabag ako sa ating komunidad.