Kahit ano naman ang mangyari, sapagkat ang panitikan ay maituturing na salamin ng buhay, gaano man ito ka-panget o ka-ganda sa ating paningin, ito ay may tunay na halagang magaggamit. Nakaiirita man o nakaaaliw na pakinggan para sa iba ang pagbirit ni Manny Pacquiao sa radyo ng "Filipino ang lahi ko!" sumasalamin ito sa kaniyang kasalukuyang kasikatan, at kung anu-ano pang maituturing na mapa ng panitikan at kulturang Pinoy sa kasalukuyan. Iba-iba ang pagtrato sa panitikan sa bawat panahon, at sa aking palagay, nagbibigay ang mga pagtratong ito ng magandang kulay sa ating lipunan.
Subalit, makulay man ang iba-ibang pananaw ukol sa kulturang popular, ang subhetibong elitistang pananaw ay nakakukulong. Karaniwan, iniisip ng elitista na kapag may taong mahilig sa Pinoy shobis, jologs siya, at hindi marunong tumingin ng tunay na art. May ilang taong matatawag na music snobs, sapagkat pinipilit nilang tanggalin sa kanilang mga buhay ang anumang musikang popular, at pinipiling makinig sa musikang tingin nila ay hindi kilala, mas trip ng kritiko, at mas aral. Sa kahit anong panahon, ang ganitong klaseng pag-iisip ay naging batayan ng katayuan sa lipunan. Kung jologs ka, Wowowee at mga mall show ng paboritong artista ang hilig mo. Kung sosyal ka, Gossip Girl ang hilig mo, Art Gallery ang lakaran mo, at Makati ang first or second home mo. Bawal maging sosyal ang taong walang alam sa tunay na 'culture.' Nakakukulong 'di ba? Upang makilala mo kung ano ka sa lipunan, parang may mga nakalathala nang mga dapat mong kahiligan at ayawan? Mahirap.
Pero siguro, puwede rin namang mamili mula sa dalawang mundo. Best of both worlds, ika nga. Hindi naman yata mahalaga ang iniisip ng iba, basta wala kang sinasaktan, at nananatili kang masaya. Minsan lang siguro talaga, sa ating pakikipagkapwa-tao, sunod lang tayo nang sunod sa daloy. Gaya ng isang likhang pampanitikan, kung trip mo ang 'jologs' ngayon at kamumuhian ka ng mga mayayaman na iyan, huwag mag-alala. Uunlad din ang pag-iisip ng marami balang araw, at magiging katanggap-tanggap ka rin. Iyon ay kung mahalaga pa iyon.